METRO MANILA – May 2 araw pa ang pamahalaan upang paghandaan ang gagawing pamamahagi ng ayuda sa mga lubos na maapektuhan ng 2-Linggong lockdown sa Metro Manila.
Ayon sa Malacanang, nakatitiyak nang may tulong na manggagaling sa gobyerno para sa mga mawawalan o matitigil ang paghahanap buhay mula August 6 -20, 2021.
“Nakumpirma ko na po ngayong araw na ito, siguradong-siguradong po na ang ibinigay din nating ayuda sa Cagayan de Oro, Iloilo Province at Iloilo City, One Thousand Pesos per person, hanggang 4 na libo kada pamilya. Sigurado pong ibibigay yan. Ang di lang sigurado, saan kukunin, pero ang mandato ng presidente, humanap kayo ng pera” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Tiniyak naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa na ang mga lokal na pamahalaan sa gagawing sistema ng distribusyon ng ayuda at hinihintay na lamang ang pinal na kautusan na magmumula sa national government.
Sa pananaw ng dilg mas magiging madali ang gagawing pamamahagi kung gagayahin lamang ang sistema noong una nang nagpatupad ng ECQ.
“Kung kami po sa DILG ang tatanungin mas maganda po yung proseso na ating ginawa nung namigay po tayo ng ayuda noong Marso at Abril nakita naman po ng ating mga kababayan na meron na pong maayos na proseso sa pamimigay ng ayuda at meron na rin tayong malinis na listahan na nasa kamay na po ng mga Local Government Units” ani DILG Spokesperson, Usec. Jonathan Malaya.
Noong nag-ECQ sa Metro Manila mula Marso hanggang Abril, nasa 11.2 million low individuals ang pinaglaanan ng ayuda ng pamahalaan.
Samantala, nanawagan naman ang malacanang sa lahat ng pamilya sa metro manila na ipatupad ng istrikto ang lockdown sa kani-kaniyang tahanan.
Sa ilalim ng ECQ reimposition, bawal ang mass gathering, personal care services, limitado lamang ang paglabas ng tahanan sa mga edad 18-65, at pag-access ng pangunahing pangangailangan at serbisyo, gayundin ng hanapbuhay.
Bawal ang indoor at outdoor dining sa mga restaurant, at limitado lamang sa Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang interzonal travel.
“Kada pamilya na po kung hindi kinakailangang lumabas, yung pinuno ng pamilya, tatay, nanay, lolo, tiyo, mag-order na walang lalabas unless bibili ng pagkain, gamot, kung di kinakailangan, lahat manatili sa tahanan” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Bagaman tuloy ang operasyon ng public transportation para sa mga frontliner, mga magpapabakuna at iba pang APOR, inaasahan ang pagtatakda ng Department of Transportation (DOTR)ng limitadong passenger capacity.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: cash assistance, DILG