Ayuda para sa pamilya ng mga ofw na nasawi sa aksidente sa Saudi ipinanawagan ng isang senador

by Radyo La Verdad | November 19, 2015 (Thursday) | 1544
File photo
File photo

Nanawagan si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) na siguraduhin ang mabilis na aksyon at ayuda sa mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasawi sa aksidente sa Saudi.

Sa inisyal na impormasyon, hindi bababa sa labing isang Pilipino ang namatay matapos na salpukin ng isang delivery truck ang coaster na sinasakyan ng mga manggagawang Pinoy sa Al-Asha, isang probinsya sa Eastern Saudi Arabia, habang pauwi na sana sa kanilang barracks.

Ayon sa senador, ang dapat na matanggap ng mga pamilya mula sa OWWA ay aabot sa 220,000 pesos kung ang OFW ay nasawi dahil sa aksidente. Tatanggap din mula sa OWWA ng educational assistance ang mga naiwan ng OFW na P5,000 para sa pag-aaral sa elementary, P8,000 sa high school, at P10,000 para sa college kada school year maliban pa sa P15,000 na livelihood assistance sa asawa nito.

Dagdag pa ni Marcos, mas maganda sana kung gagawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang dumami ang trabaho sa bansa upang hindi na kailangang magsakripisyo pa ang marami nating kababayan na umalis ng bansa upang masuportahan ang kanilang pamilya. ( Meryll Lopez/UNTV Radio)

Tags: , , ,