Ayuda para sa mga healthcare workers na nahawa ng COVID-19, hanggang ngayong araw na lang

by Radyo La Verdad | June 9, 2020 (Tuesday) | 4902

METRO MANILA – Anim pa sa 32 na mga pamilya ng mga nasawi na healthcare workers ang hindi pa natatanggap ang isang milyong pisong death benefit batay sa ulat ng DOH kahapon, June 8, 2020.

Paliwanag ng DOH, may ilan sa mga ito ang kailangan pang magsumite ng dokumento.

Ang dalawang pamilya naman ay nasa ibang bansa kaya hawak pa ng DOH ang death benefit nito.

“Lahat ng 32 cheques ay  na-prepare na. Sa mga ito, 26 had been received  by their families while 4 have final pending documents such as special power of attorney before they can receive the cheques,” ani USEC. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.

Samantala, nagsagawa naman ng panibagong validation ang DOH sa 42 HCWs na makatatanggap ng P100,000 compensation.

Lumabas umano sa medical abstract ng mga ito na 24 lang ang nagkasakit ng malubha kaya ang mga ito lamang ang makatatanggap ng kompensasyon.

“10 cheques mula sa initial 42 cases ang natanggap na ng mga healthcare workers. Kasalukuyan naman pong pinoproseso ang 4 cheke at 10 pa po ang hinihintay mag-submit ng kompletong document,” dagdag ni USEC. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.

Samantala, sa tala ng DOH kahapon, June 8, 2020, umabot na sa 22, 474 ang kabuoang COVID-19 cases sa Pilipinas. 331 ang fresh cases at 248 naman ang late cases.  50 na araw nang mas mataas ang bilang ng mga COVID-19 survivor sa bansa na sa kabuoan ay 4, 637 na. 8 naman ang naitalang nasawi kahapon, ang death toll sa Pilipinas, 1,011 na sa kasalukuyan.

Ayon sa DOH, kapag naipasa na ng mga laboratoryo ang lahat ng hawak nilang line list ng mga test backlog ay “fresh cases” na lang ang makikita sa daily case update ng DOH, nguni’t walang malinaw na ulat ang DOH kung kailan ito makikita ng publiko.

(Aiko Miguel)

Tags: , ,