Average inflation rate sa 3rd quarter ng 2018, pumalo sa 6.2% – BSP

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 12004

Mula 4.8 percent noong second quarter ng 2018, umakyat sa 6.2 percent ang average inflation rate o antas ng pagtaas sa pangkalahatang presyo ng mga basic good at services.

Pinakamataas ito ngayong taon batay sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng average inflation ay ang pagtaas ng presyo ng produktong pagkain bunga ng kalamidad at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

One third ng 6.2 percent average inflation ay bunga ng pagtaas ng presyo ng bigas, isda, gulay at karne.

Dahil dito, nasa average five percent na ang inflation rate ng bansa para sa taong ito o lagpas sa high-end target range ng pamahalaan na two to four percent inflation rate, subalit sakop ng revised na target inflation rate na 4.8 to 5.2 percent para sa taong ito.

Inaasahan naman ng pamahalaang bababa ang inflation rate sa bansa sa huling quarter ng taon. Upang solusyunan ang problema sa suplay ng produktong pagkain, pinaiigting na ng pamahalaan ang pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura.

Patuloy ding isinusulong ng Duterte administration ang rice tarrification bill na inaasahang magpababa rin ng presyo ng bigas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,