Average daily COVID-19 cases sa NCR, nasa 2,000 na lamang – Octa Research Team

by Erika Endraca | May 10, 2021 (Monday) | 2814

METRO MANILA – Nakakapagtala ang Octa Research Team ng 3 Linggong downward trajectory o pagbaba sa bilang ng daily new COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).

Mula sa mahigit 5,000 kaso na naitatala bawat noong buwan ng Abril, as of May 8,  58% ang ibinababa nito o nasa 2,300 new cases per day.

Ngunit ayon sa Department Of Health (DOH), posibleng isa sa nakaapekto rito ang nakita nilang pagbaba sa bilang ng mga indibidwal na isinasailalim sa COVID-19 testing

“Atin pa rin hong inoobserbahan kung ito po ay dala talaga ng pagkonti ng mga kaso o hindi lang po natin nate-test ang ating mga kababayan ng mas madami.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon pa sa DOH, dahil sa nakitang pagbaba ng COVID-19 casees ay posibleng luwagan na ang ipinatutupad na community quarantine sa Metro Manila.

Ngunit kailangan pa ring anilang ikonsidera ang COVID-19 bed occupancy sa mga ospital.

“It is not just the numbers that we look at. Kailangan tinginan din po natin yung atin pong health care utilization and that would be the hospital capacity na mayroon tayo. Although, this is the signal for escalation.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa tala ng Octa Research, bumaba rin ang COVID-19 bed occupancy sa mga ospital sa rehiyon na umaabot na lang sa nasa 51% habang ang Intensive Care Unit (ICU) occupancy naman ay nasa 69% na lang.

Samantala, kinokonsidera naman ng Octa Research Team na areas of concern ang mga lungsod ng Cagayan De Oro sa Misamis Oriental, Puerto Princesa sa Palawan at Bacolod sa Negros Occidental bunsod ng pagtaas ng mga bagong kaso sa mga lugar.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,