Available na ligtas at epektibong bakuna kontra Covid-19, prayoridad na bilhin ng Duterte admin

by Erika Endraca | December 16, 2020 (Wednesday) | 1136

METRO MANILA – Iginiit ng Malacanang na dahil limitado ang suplay ng bakuna kontra coronavirus disease, prayoridad ng pamahalaan na makabili ng available, ligtas at epektibong Covid-19 vaccine.

Tugon ito ng palasyo sa lumabas na datos na pangalawa ang Coronavac o bakunang likha ng Chinese firm Sinovac sa may pinakamataas na presyo ng bakuna.

Ang 25-Milyong doses ng Coronavac ang target mabili ng pamahalaan sa Sinovac at maumpisahan ang vaccination program sa March 2021.

“Ngayon po talagang provided it is safe and it is effective. Sa tingin ko po limited na iyong aspeto ng price, dahil emergency situation po tayo ngayon at limitado talaga ang mga vaccine.”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Tiniyak naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na hindi sila maglalabas ng emergency use authorization kung walang sapat na safety at efficacy data ang isang bakuna.

“Iyon po ang utos sa akin ni Pangulo. Nakalagay po sa executive order niya iyan that with that information at hand, it should be reasonable to believe that it is safe and effective. So kung wala po tayong ano, wala pong ebidensiya, hindi po mabibigyan ng eua iyan at hindi po maaaring ibenta rito sa atin.”ani FDA Director General, Dr. Eric Domingo.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kaya ang procurement ng bakunang likha ng Sinovac ang target ng pamahalaan ay dahil ito lang ang available na bilhin ng Pilipinas sa first quarter ng 2021.

“Kaya po natin binibili ang Sinovac kasi wala naman tayong makuha agad na Pfizer, Astrazeneca o moderna. Ang Pfizer po sana nga makarating, anytime between second and 3rd quarter yan. At di naman po katanggap-tanggap kay president na mag-aantay ng ganuong katagal,” ani FDA Director General, Dr. Eric Domingo.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: