Autopsy ng PAO sa mga Dengvaxia vaccinee, wala sa tamang proseso – pathologist

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 10497

Naninindigan ang pathologist at dating Deputy Director for Professional Services ng Philippine Children’s Medical Center na si Dr. Raymund Lo na wala sa tamang proseso ang ginawang autopsy ng Public Attorney’s Office (PAO) sa mga Dengvaxia vaccinee.

Inilahad ni Dr. Lo na nakita niya ang ilan sa mga presentasyon ng PAO at ni Dr. Erwin Erfe kaugnay sa mga findings sa mga Dengvaxia vaccinee na inautopsy.

Una, mali aniya ang proseso ni Dr. Erfe sa pagsasagawa ng forensic examination at ikalawa ay hindi naman ito lehitimong pathologist upang magsagawa ng naturang proseso.

Nilinaw pa ni Dr. Lo na hindi sapat ang basehan ni Dr. Erfe upang sabihin na kaya namatay ang mga nabakaunahan ay dahil sa Dengvaxia. Kung susumahin aniya ang basehan ng PAO, hindi nila ikinonsidera na may ibang sakit ang mga batang namatay at wala itong direktang kaugnayan sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine.

Handa aniyang makipagtulungan si Dr. Lo sa Dengue Investigative Task Force (DITF) basta’t ipapakita rin nila ang proseso kung paano tinutuklas ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng mga naturukan ng Dengvaxia. Pinabulaanan din nito na pinapanigan niya si dating Health Sec. Janette Garin.

Hamon nito kay Dr. Erfe at sa PAO, itigil na ang gross examination sa mga nasawing Dengvaxia vaccinee dahil nagpapalala lang aniya ito sa sitwasyon at takot sa mga magulang na huwag nang pabakunahan ang kanilang mga anak ng kahit na anong vaccine.

Dati namang inilalaban nina PAO Chief Atty. Persida Acosta at ni Dr. Erfe na may kinalaman sa Dengvaxia ang pagkamatay ng mga bata.

Samantala, kasalukyan pa ring nakikipag-ugnayan ang DOH sa SolGen upang bumuo ng karampatang kaso laban sa Sanofi.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,