METRO MANILA, Philippines – Nag-umpisang pag-aralan ang pagkakaroon ng Automated Election System o AES noong 1992 sa panahon ni dating Comelec Chairman Christian Monsod sa ilalim ng Administrasyon ni Dating Pangulong Fidel Ramos.
“The vision is really to have the returns faster. It’s two, accuracy and speed. Those are the two objectives.” Ayon kay Former Comelec Chairperson Christian Monsod.
Noong 1996 tagumpay na ideneklara ang isinagawang halalan sa ARMM gamit ang Computerized Election System o CES gamit ang teknolohiya ng American Information System, Inc.
Noong December 1997 ay naisabatas ang Republict Act 8436 na naguutos sa Comelec na gamitin ang Automated Election System sa halalan taong 1998. Hindi ito naisakatuparan sa buong bansa kundi sa Lanao Del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-tawi lamang.
Hindi rin umusad ang Automated Elections sa panahon ni Dating Pangulong Joseph Estrada.
Noong 2004 sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, iginawad ang P1.3 billion Poll Automation Contract sa Mega Pacific E-solutions. Pero pinawalang bisa ito ng Supreme Court dahil sa kadudadudang paraan ng bidding.
Hindi rin umakyat ang reklamo laban sa nooý Comelec Chair Benjamin Abalos Sr., mga Commissioner at sa Mega Pacific dahil sa kawalan ng probable cause.
Taong 2008 ay iginawad sa Smartmatic-Sahi Joint Ventures ang Direct Recording Electronic o DRE Technology at ang Optical Mark Reader o OMR Technology sa Active Business Solutions Inc. at Avante Int.
Ginamit ito sa halalan sa ARMM subalit nagkaroon din ng mga aberya.
Noong 2009 iginawad ng COMELEC sa Smartmatic-Tim ang kontrata para sa 2010 Presidential Elections.
Smartmatic rin ang ginamit sa halalan noong 2013, 2016 at ngayong 2019.
May mga nagpahayag ng duda sa resulta ng halalan at kinukwestyon din kung bakit laging Smartmatic ang pinipili ng Comelec.
“Matagal na noong January pa , sinasabi ko na yan e, ang problema noong nagprivilege speech ako, nakapag-award na ang Comelec, remember, kasi napakadaming problema.” Ani Senate President Vicente Sotto III.
Ngayong 2019 ay mas marami rin ang depektibong SD Cards at Vote Counting Machines kumpara noong 2016 Elections.
Ilan sa argumento ng Comelec, Smartmatic ang pumapasa sa kanilang mga Bidding dahil sa kanaranasan nito sa halalan.
Anila hindi lahat ng supply ay galing sa COMELEC at isa ito sa naging dahilan kung bakit mas maraming depektibong supply.
“In 2016 bundled iyong aming bidding ibig sabihin isang supplier lang ang nag-supply ng makina, marking pen ng papel and SD Cards. Smartmatic lahat iyon, bundled iyon. After 2016 humingi kami ng budget sa DBM so ang nabigay sa amin is OTP, iyong option to purchase nabili natin ang 2016 na makina. Ang problema sa OTP is unbundled iyong component, so ngayon iba ang supplier ng makina, iba ang supplier ng SD cards, iba rin ang supplier ng papel at marking pen so doon ang nakita namin problema hindi masyadong nagma-match.” Ayon kay Chairman Sheriff Abas.
Pag-aaralan parin ng COMELEC kung gagamitin ang mga VCM matapos itong magamit sa dalawang magkasunod na halalan.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: 2019 midterm elections, Automated Election System, Computerized Election System