Nagbitiw na bilang hepe ng Supreme Court Public Information Office si Attorney Theodore Te. Sa darating na Biyernes, ika-7 ng Setyembre ang huling araw ni Te bilang tagapagsalita ng Korte Suprema.
Sa kaniyang resignation letter, ipinaliwanag nito na siya ay co-terminus kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at pinalawig lamang ang kaniyang termino hanggang sa pag-upo ng bagong punong mahistrado ng SC.
Sa kaniyang pag-alis sa pwesto, mabibigyan din aniya ng pagkakataon si De Castro na pumili ng taong makakatulong sa pagbuo ng kaniyang media policy.
Si Atty. Ma. Victoria Gleoresty Guerra ang hahalili kay Te sa nasabing posisyon.
Nakilala noon si Te ng sumabak sa oral arguments noong 1996 na humihiling na ideklarang unconstitutional ang death penalty.
Samantala, nagsuot ng kulay asul ang mga empleyado ng Korte Suprema sa kanilang flag raising kaninang umaga bilang suporta sa itinuturing nilang kauna-unahang lady chief justice na si Teresita Leonardo De Castro.
Naging emosyonal at halos maiyak si De Castro sa kaniyang unang talumpati bilang punong mahistrado nang pasalamatan niya ang mga kasamahan sa trabaho.
Nakiusap din ito sa mga empleyado ng kataas-taasang hukuman na huwag pansinin ang mga puna laban sa SC. Hiniling din nito na irespeto ng mga co-equal branch ng pamahalaan ang hudikatura.
Ayon kay De Castro, dapat ng iwanan ang nakaraan ngunit hindi dapat kalimutan ang mga aral na natutunan mula ditto.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )