Asuncion Market sa Tondo Manila, nasunog

by Radyo La Verdad | November 16, 2015 (Monday) | 1698

sunog sa tondo
Tinupok ng apoy ang nasa 90 stall sa Asuncion Market sa Tondo Manila kagabi na umakyat sa ikalimang alarma.

Karamihan sa nasunog ay bahagi ng mga prutas at ilang nagtitinda ng asukal.

Ayon sa ilan sa nasunugang vendor, nagsimula ang apoy sa bandang gitna ng mga stall na napag-alamang pag-aari ng nagngangalang Reynaldo Alano.

Ang ibang vendor ay walang nailigtas na paninda, ang ilan naman ay nagtulong-tulong na magsalba ng mga paninda habang hindi pa malaki ang apoy.

Pasado alas siyete ng gabi nang makontrol ang apoy, at nang ideklarang fire out ng hating gabi, agad nagbalikan ang mga nasunugan upang maghanap pa ng pwedeng maisalba at maibentang paninda.

Tinatayang aabot sa dalawang milyong piso ang halaga ng mga nasunog na istraktura at produkto.

Wala namang naiulat na nasaktan at nasawi sa insidente habang patuloy na inaalam ng Manila Bureau of Fire protection ang sanhi ng apoy.

(Benedict Galazan / UNTV News Correspondent)

Tags: ,