Bukod sa malaking epekto ng El Niño sa suplay ng tubig sa bansa, isa rin sa mga pinaghahandaan ngayon ng pamahalaan ang magiging epekto nito sa suplay ng kuryente.
Sa pag-aaral ng Department of Energy, ang Mindanao Region ang pinangangambahang higit na maapektuhan ang suplay ng kuryente.
Ito ay dahil karamihan sa pinagkukunan ng suplay ng kuryente sa rehiyon ay nagmumula sa mga hydropower plant.
Ayon kay DOE OIC Secretary Zenaida Monsada, bumuo na ang ahensya ng task force upang mapag-aralan at mapaghandaan pang lalo ang magiging epekto ng El Niño sa suplay ng kuryente sa buong bansa.
Kumpiyansa ang ahensya na sa kabila ng banta ng El Niño, hindi ito makakaapekto sa suplay ng kuryente sa Luzon Region partikular na sa Metro Manila, dahil nakadepende ito sa coal powerplants.
Sa initial assesment ng DOE, tiwala ito na matutugunan ang magiging kakulangan sa Mindanao dahil sa reserbang kuryente na magmumula sa iba pang mga planta.
Dagdag pa ng DOE, pinag-aaralan na rin nito ang pagbuo ng ilang polisiya upang mamonitor ang mga additional capacity na kayang i-produce ng iba pang power plants namagagamit sakaling magkaroon nga ng kakulangan sa suplay ng kuryente.
Sa pagtaya ng Pagasa inaasahang tatagal pa ang El Niño hanggang sa Hunyo ng susunod na taon.
Umaasa ang DOE, na magkaroon pa ng maraming mga pag-ulan sa mga lugar na kinaroroonan ng mga dam upang hindi na matuloy ang pinangangambahang kakulang sa suplay sa kuryente. (Joan Nano / UNTV News)