Aspiring singer mula sa CamSur, hangad na mahanap ang tunay na magulang sa pagsali sa WISHcovery

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 38841

Sa ngalan ng pangarap, dinayo ng mga aspiring singer mula sa Bicol Region ang pagbubukas ng WISHcovery auditions sa Naga, Camarines Sur.

Isa na rito si Jeva Antonio, 18 anyos na mag-aaral mula sa Caramoan, Camarines Sur.

High school days pa lamang ay nahilig na sa pagkanta si Jeva at sumasali na sa iba’t-ibang kompetisyon.

Ngunit higit sa pangarap na makilala sa larangan ng pag-awit, isang dalangin ang nais niyang matupad sa pamamagitan ng pagsali sa WISHcovery; ito ay ang makita at makilala ang kaniyang biological parents.

Hindi man nakilala ang tunay na mga magulang, masayang lumaki si Jeva sa piling ng mga taong itinuring niyang pamilya.

Kaya naman, malaki ang utang na loob niya sa mga ito.

Bagama’t hindi niya kailanman nakita, walang sama ng loob si Jeva sa kanyang biological parents.

Buo naman ang pag-asa ni Jeva na sa pamamagitan ng WISHcovery ay maabot ng kanyang tinig ang kanyang tunay na ama at ina.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,