ASF Outbreak sa Rizal at Bulacan, kinumpirma ng BAI

by Erika Endraca | September 17, 2019 (Tuesday) | 5613

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) na may outbreak na ng African Swine Fever (ASF) sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan, ito ay dahil hindi na normal ang dami ng namamatay na baboy sa mga lugar na apektado ng naturang sakit sa baboy.

“Basta na-confirm na ito’y tumaas, doon sa normally expected na nagkakasakit at normally na bilang ng namamatay outbreak na ‘yun. (kalian po masasabi nating nag-outbreak doon sa Rizal at ..) August po yun” ani BAI Director  Dr. Ronnie Domingo.

Nakiusap naman ang ahensya sa publiko na huwag itago ang mga namamatay na baboy at iulat sa kanila sa halip na ipa-anod sa ilog dahil maaaring makahawa pa ito sa mga baboy sa ibang lugar.

Samantala sa Quezon City naman mismong si Mayor Joy Belmonte na ang nag-anunsyo na may ASF na rin sa lungsod partikular sa barangay bagong silangan.

Nagpositibo aniya sa naturang sakit ang 14 na baboy na kanilang sinuri pero hindi ito ang mga nakita nilang inanod sa isang creek noong nakaraang linggo.

Samantala, ayon kay  Mayor Belmonte, ipinagbabawal sa Quezon City ang pag-aalaga ng baboy sa bakuran o ang backyard raising dahil wala namang agricultural land sa lungsod.

Ayon kay Director Ronnie Domingo, sumasailaim pa sa laboratory test ang kanilang mga kinuhang samples kasama na ang mga inanod sa creek at maging ang galing sa ilog sa marikina.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,