Asec.Mocha Uson, ipinahayag na hindi siya tatakbo sa Mid-term Senatorial elections

by Radyo La Verdad | November 24, 2017 (Friday) | 3024

Iginiit ni Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson ang kawalan niya ng interes tumakbo sa nalalapit na mid-term Senatorial elections

Sa programang Get it Straight with Daniel Razon kaninang umaga, sinabi nito na  kuntento na sa kasalukuyan niyang posisyon sa pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Asec. Mocha nagse-selfie siya kasama ang mga Cebuano nang marinig na tinawag ni Speaker Alvarez ang kaniyang pangalan at hindi niya alam na inendorso na pala siya ng mambabatas.

Subalit hindi naman daw isinasara ni Asec. Mocha ang pintuan ng pagseserbisyo sa ibang sangay ng gobyerno. Nakadepende raw siya sa sasabihin ng punong ehekutibo. Sinabi pa ni Asec. Mocha na kung ano man ang nangyayari sa kaniya ngayon sa pamahalan ay hindi niya pinlano. Tinanggap niya lamang ang naturang posisyon sa Malakanyang dahil sa pagnanais niyang makatulong sa administrasyon ni Pangulong Duterte.

Subalit nang tanungin kung ano ang kaniyang mga plataporma sakali mang magpasya siya na sumabak sa magulong mundo ng pulitika at palarin na maging mambabatas sa mataas na kapulungan ng Kongreso, sinabi ni Asec. Mocha na isusulong niya ang pagbabalik sa death penalty at pag-amyenda sa Juvenile Justice Welfare Act.

Aniya, dapat managot ang sinoman sa isang krimen menor de edad man ito o nasa tamang gulang. Hindi pa man siya nagpapasya kung sasabak nga ba sa pulitika ay binabato na raw siya ng putik sa nakaraan niyang buhay, na ayon sa kaniya’y matagal na niyang pinagsisihan at kinalimutan.

Samantala, ipinagtanggol ni Mocha ang mga bloggers na supporter ng Pangulo at pinasinungalingan na bayaran ang mga ito.

Kinumpirma naman nito na balak niyang kumuha ng “The Philippine Law School Admission Test” o PHILSAT dahil desidido siyang mag-aral ng batas.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,