ASEAN summit sa Nobyembre, patuloy na pinaghahandaan ng Pilipinas – DFA

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 2993

Itinuturing ng Department of Foreign Affairs na pinakamalaking pagtitipon ng ASEAN sa chairmanship ng Pilipinas ang isasagawa sa November 13 hanggang 15.

Ayon sa DFA, isa sa pag-uusapan ay kung paano uumpisahan ang pagbuo ng code of conduct sa West Philippine Sea na inaasahang magiging daan upang humupa ang tensyon sa mga bansang umaangkin sa lugar.

Posible anilang maglagay ng hotline kung saan agad na makakapag-usap ang mga bansa kung sakaling magkaroon ng tensyon.

Magkakaroon din ng pagpupulong ang ASEAN sa United States kaya’t inaasahang darating si President Donald Trump na una nang nagpa-abot ng kanyang pagtanggap sa imbitasyon sa pagtitipon.

Ayon sa DFA, posileng magkaroon din ng bilateral meeting sina Trump at President Rodrigo Duterte para palakasin pa ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos. Darating din ang mga Prime Minister ng Japan, Australia, Canada at foreign minister ng China.

Maging si U.N. Secretary General Antonio Gutteres ay inaasahang dadalo din sa summit para naman mapag-usapan ang maitutulong ng ASEAN sa pagsugpo sa terorismo. Patuloy naman ang paghahanda ng Pilipinas para sa international event.

Tinukoy ng MMDA ang south bound lanes ng Subic-Clark-Tarlac expressway o SCTEX, North Luzon Expressway at Edsa na magiging ruta ng convoy ng ASEAN delegates.

Aalamin ng MMDA ang itatagal ng byahe lalo na ang ipatutupad na full-stop traffic sa mga intersection kapag padaan na ang convoy patungong PICC.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: ,