Articles of impeachment laban kay CJ Sereno, inaprubahan na ng House Committee on Justice

by Radyo La Verdad | March 19, 2018 (Monday) | 6250

6 na articles of impeachment ang naisapinal ng House Committee on Justice matapos ang halos 6 na buwang deliberasyon sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Una ay ang hindi pagsusumite ni CJ Sereno ng kumpleto at sinumpaang Statement of Assets Liabilities and Net Worth o SALN at hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Pangalawa ay ang hindi tamang paggastos sa 18-million pesos na public fund sa kanyang sariling pakinabang, pagbili ng sasakyang nagkakahalaga ng mahigit 5 milyong piso at pagkuha ng IT consultant na sumuweldo ng mahigit labing isang milyong piso.

Pangatlo ay ang pagdedesisyon at paglalabas ng resolusyon na hindi dumaan at iba sa napagkasuduan sa SC en banc.

Pang-apat ay ang umano’y pagmanipula sa Judicial and Bar Council bilang ex officio member nito.

Panglima ay ang paglabag sa separation of powers ng tree branches of government dahil sa pakikialam sa kaso ng Ilocos-6.

At pang-anim ay ang tahasang hindi umano niya pagtupad sa sinumpaang tungkulin base na rin sa pahayag ng mga associate justice na humarap sa kumite.

Lahat umano ito ay pasok sa culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, corruption at ibang high crimes.

Tanging si Quezon City Rep. Kit Belmonte lamang ang tumutol sa nilalaman ng articles of impeachment.

Hindi naman ikinagulat ng kampo ni Chief Justice Sereno ang naging takbo ng botohan at sa ngayon ay pinaghahandaan na ng punong mahistrado ang kaniyang depensa.

Ngayong linggo ay target ng kumite na maisumite sa Committee on Rules ang articles of impeachment para mai-kalendaryo na sa plenaryo.

Pero ayon kay Majority Floor Leader Rudy Fariñas, posibleng sa Mayo na matatalakay sa plenaryo ang impeachment complaint laban kay Sereno dahil hanggang sa Miyerkules na lang ang sesyon ng Kongreso.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,