Arrest warrant vs Trillanes, hindi kinatigan ng Makati RTC Branch 148

by Jeck Deocampo | October 22, 2018 (Monday) | 4846

 

METRO MANILA, Philippines – Natanggap na kanina ni Senator Antonio Trillanes IV ang desisyon ng Makati Regional Trial Court branch 148 na hindi pumapabor sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) na paglalabas ng alias warrant of arrest laban sa senador dahil sa kasong kudeta.

 

Ang hiling na ito ng DOJ ay matapos ipawalang-bisa ni Pangulong Duterte ang amnestiya na tinanggap ng senador noong 2011.

 

Ikinatuwa naman ng senador ang desisyon ng korte.

 

“Nais po rin natin pasalamatan si Judge Soriano na single-handledly, he upheld justice and the rule of law in our country,” ani Senador Trillanes.

 

Ayon sa legal counsel ni Trillanes na si Attorney Rey Robles, ipinapakita lang ng desisyon na ito na kinakatigan ng korte ang kanilang posisyon na nakumpleto ng senador ang mga kinakailangan sa pagkuha niya ng amnestiya. Maging ang kasong kudeta ay nananatili na umanong sarado.

 

“Meron ding factual findings ang korte na ginawa ni Senator Trillanes yung dapat niyang gawin, maaari ngang naging ruling ng judge, hindi siya pumasok sa legality nung proclamation,” Sabi ni Attorney Robles.

 

Nakahinga na rin nang maluwag ang senador at wala na umanong banta ng anumang pag-aresto sa kaniya kabilang na ang banta ng court martial.

 

“I believe according to my lawyer, wala na yun, natuldukan na  yung any possibility na ako ay maaresto,” pahayag ng mambabatas.

 

Hihintayin na lamang ng kampo ni Trillanes ang kalalabasan ng inihain nitong motion for reconsideration sa branch 150 ng Makati RTC para sa kasong rebelyon.

 

Maging ang deliberasyon sa Korte Suprema kaugnay ng legalidad ng proklamasyon ni Pangulong Duterte ay pinaghahandaan na rin ng senador.

 

Nirerespeto naman ng malakanyang ang desisyon ng korte at sinabing ‘welcome’ naman sa kanila ang pagpapatibay ng korte sa proklamasyon ni Pangulong Duterte.

 

Tanda ito na ang administrasyon umano ay walang ginagawang political persecution sa kaniyang mga kritiko.

 

Samantala, ipapaubaya na lamang rin ng Malakanyang sa DOJ at Office of the Solicitor General ang susunod na hakbang kaugnay ng kaso ng senador.

 

Tags: , , , , , ,