Arraignment ni dating SC CJ Renato Corona sa kasong perjury, muling ipinagpaliban ng Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | October 15, 2015 (Thursday) | 1082

CORONA
Ipinagpaliban ang arraignment sa dating punong hurado ng kataas-taasang hukuman na si Renato Corona sa 3rd Division ng Sandiganbayan at muling itinakda sa January 26, 2016.

Ito ay dahil kinakailangan pang resolbahin ng korte ang mosyong inihain ni Corona sa korte.

Nahaharap si Corona sa 8 counts ng perjury at 8 counts ng paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Nagsumite ng mosyon si Corona sa Sandiganbayan Special 3rd Division na bawiin ang una nitong desisyon sa pangangailangang dinggin ng korte ang perjury case at paglabag nito sa RA 6713.

Nag-ugat ang mga kasong kinakaharap ni Corona dahil umano sa hindi nito pagdedeklara ng tama sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth o SALN mula 2001 hanggang 2011.

Ayon sa Office of the Ombudsman, hindi umano dineklara ni Corona ang peso at dollar accounts nito sa iba’t ibang bangko na nagkakahalaga sa mahigit na 14.102 million pesos at dineklara lamang na tatlong milyong piso ang isang ari-arian na nabili niya sa halagang 11 milyong piso. ( Rosalie Coz / UNTV News )

Tags: