Tuloy ang pagbasa ng sakdal sa mga recruiter ng Pinay OFW na si Mary Jane Veloso para sa kasong human trafficking sa darating na Miyerkules, November 11, sa ganap na alas dyes ng umaga.
Ito’y makaraang hindi katigan ni Judge Nelson Tribiana ng Baloc Nueva Ecija RTC Branch 37 ang motion for bill of particulars na inihain ng abogado ng mga akusadong sina Maria Cristina Sergio at Julous Lacanilao.
Hinihiling sa naturang mosyon na linawin ng prosecution ang mga detalye ng kaso kung paanong ne-recruit, pinangakuan ng trabaho at ibyenahe patungong Malaysia si Veloso.
Ngunit ayon sa korte, nasagot na ang hinihinging detalye ng mga akusado sa isinumiteng comment at opposition ng prosecution.
Una nang ipinagpaliban mg korte ang arraignment noong September 18 dahil sa mosyon ng mga akusado.
Ayon naman sa abogado ni Veloso na si Atty.Edre Olalia, taktika lamang ito ng abogado ng depensa upang maantala ang paglilitis.
Samantala, itutuloy din sa Miyerkules ang pre-trial para sa mga kasong illegal recruitment at estafa na isinampa ni Veloso laban kina Sergio at Lacanilao.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)