Araw ng Kasarinlan, ipinagdiwang din sa iba’t-ibang bahagi ng bansa

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 5622

Hindi napigilan ng walang tigil na pagbuhos ng ulan sa Maynila ang paggunita sa ika-120 taon ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.

Pinangunahan ni Vice President Leni Robredo ang wreath laying ceremony sa monumento ni Jose Rizal kasama ang ilang opisyal ng National Historical Commission of the Philippines.

Sa mensahe ng pangalawang pangulo, dapat aniya ay lalong manindigan sa karapatan ang mga Pilipino sa gitna ng mga panganib na kinahaharap ng bansa gaya ng paglaganap ng kahirapan, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng hustisya at problema sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa Bulacan, pinangunahan naman ni Senator Richard Gordon ang Independence Day celebration sa Malolos.

Pagkatapos ng flag raising ceremony kasama ang mga opisyal ng lalawigan, nagkaroon din ng oath to the national flag at wreath laying ceremony sa bantayog ni Gen. Emilio Aguinaldo.

Sa Olangapo, hindi naman natinag ang mga taga-Olongapo City upang ipagbunyi ang nakamit na kalayaan mula sa pananakop ng mga banyaga.

Kaalinsabay nito ang pagbibigay ng pagkilala sa centenarian na si Lola Elisia Gatmin bilang pinakamatandang nabubuhay sa Olongapo City. Pinagkalooban din siya ng isang daan libong piso

Sa Tacloban, isang simpleng selebrasyon naman ang isinagawa sa Leyte sa pangunguna ni Gov. Leopoldo Petilla.

Pinaalalahanan ni Gov. Petilla ang mga Leyteño na magtulung-tulong upang mapanatili ang kasarinlan at malabanan ang kahirapan.

At sa Ilo-ilo, itinaas naman ang isang giant flag sa bayan ng Sta. Barbara. May sukat ito na 30 ft by 60 feet.

Ayon sa National Commission for Culture and the Arts, dito sa Sta. Barbara isinagawa ang kauna-unahang pagtataas ng bandera ng Pilipinas sa labas ng Luzon noong 1898 matapos matalo ng Pilipinas ang Espanya.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,