Tumaas ang approval at trust ratings nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa kalagitnaan ng taon batay sa bagong Pulse Asia survey.
Nakakuha ang Pangulo ng 88 percent approval rating, 62 percent si Vice President Leni Robredo, 72 percent si dating Senate President Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez na may 47 percent.
Tumaas ng walong puntos ang Pangulo kumpara noong Marso at pitong puntos naman ang kay VP Robredo.
Batay pa sa survey, most trusted official pa rin si Pangulong Duterte. Nakakuha siya ng trust rating na 87 percent, si VP Robredo na may 56 percent, dating SP Pimentel na may 64 percent, House Speaker Alvarez na may 45 percent at dating chief Justice Maria Lourdes Sereno na may 19 percent.
Lahat ng opisyal ay nakitaan ng pagtaas ng ratings maliban sa dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Samantala, nananatili ring may pinakamataas na approval rating ang Senado, pangalawa ang Kamara at pangatlo ang Korte Suprema.
Gayundin mataas ang trust rating ng Senado na may 61 percent, 58 percent ang Kamara at 54 percent naman ang Supreme Court.
Ikinatuwa naman ang Malakanyang ang resulta ng bagong survey.
Gayunman, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nanunungkulan si Pangulong Duterte para sa mataas o magandang ratings.
Nagdo-double time din aniya ang Duterte administration upang matupad ang campaign promises ng punong ehekutibo na sugpuin ang iligal na droga, kriminalidad at korupsyon sa bansa.
Isinagawa ang survey noong ika-15 hanggang ika-21 ng Hunyo sa 1,800 registered voters. Ito ay sa kalagitnaan ng mga isyu sa bansa tulad ng pagpapatibay ng Korte Suprema sa desisyon nito na pagpapaalis sa pwesto kay dating CJ Sereno.
Ang umano’y kontrang salaysay nina Pangulong Duterte at foreign affairs secretary sa sitwasyon sa West Philippine Sea at ang pag-aresto sa mahigit pitong libong tambay sa Metro Manila.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com