Appointment ni DENR Sec. Gina Lopez, bypassed na – CA

by Radyo La Verdad | March 15, 2017 (Wednesday) | 1884


Kinakailangan na muling ire-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources matapos ihayag ng Commission on Appointments ngayong araw na iba-by pass ito ng komisyon.

Ayon kay CA Committee on Environment and Natural Resources Chairman Sen.Manny Pacquiao, bibigyan muna nila ng sapat na panahon ang kalihim upang sagutin ang mga napag-usapan sa hearing ngayong araw.

May ilan pa rin aniya silang mga isyu na nais itanong at linawin sa kalihim sa susunod na pagharap nito sa komisyon.

Samantala, dumalo sa committee meeting kaugnay pa rin sa appointment ni Sec. Lopez si Finance Sec. Carlos Dominguez na siya ring co-chairman ng Mining Industry Coordinating Council o MICC na magsasagawa ng review sa mga pinasarang minahan sa bansa.

Dito sinabi ni Dominguez na nagkulang sa pagpapatupad ng due process si Lopez, sa ginawang pagpapasara sa ilang minahan at pagsuspindi sa mga kontrata nito

Una nang kinuwestyon ni Sec. Lopez ang MICC review ngunit sinabi ni Sec. Dominguez na nais lamang niyang makatiyak na maayos na naipatutupad ang batas dahil ang mga pagkwestyon ng mining companies sa due process ay lalo lamang nagpapatagal sa implementasyon ng closure orders.

Samantala, ikinalugod naman ng Chamber of Mines of the Philippines ang pagkakaantala ng kumpirmasyon ni Sec. Lopez.

Anila, patunay lang ito hindi siya o karapat-dapat sa naturang posisyon kaya patuloy nilang tututulan ang kanyang appointment sa DENR.

Muli rin itong nangako na makikipagtulungan sa Administrasyong Duterte at handa silang makipagkasundo dito para sa pagpapabuti ng mining industry sa bansa.

(Aga Caacbay / UNTV Correspondent)

Tags: , ,