Appointment ni COMELEC Comm. Sheriff Abas, inaprubahan ng C.A

by Radyo La Verdad | May 26, 2016 (Thursday) | 1438

COMELEC-Commissioner-Sheriff-M.-Abas
Si COMELEC Commissioner Sheriff M. Abas ang humalili kay dating Comissioner Elias Yusoph.

Tubong Maguindanao nguni’t may dugong Ilongo dahil mula sa Iloilo ang kanyang ina.

Kahapon sumalang sya sa Commission on Appointments kung saan kinilatis ang kanyang kwalipikasyon.

Hindi naman itinanggi ni Abas na pamangkin sya ni MILF Chief Negotiator Mohaguer Iqbal na isa sa mga negosyador sa Bangsamoro Basic Law.

Hindi rin pinalampas ng mga miyembro ng CA ang isyu ng pakiki-alam ng Smartmatic sa transparency server
Nagmistulang isang en ban session ang pagdinig dahil full force ang mga COMELEC Commissioner sa pangunguna ni Chairman Andres Bautista.

Ilan sa kanila ay isinalang upang sagutin ang mga tanong ng kongresista tungkol sa sinasabing cosmetic change sa transparency server.

Matapos ang mahabang pagtatanong, inirekomenda na ng Committee on Constitutional Commissions and Offices na aprubahan sa plenary level ang appointive position ni Abas.

Sa February 2, 2022 magtatapos ang termino nito.

Samantala bukod kay Abas, pasok na rin sa plenary level ang appointment ni COA Commissioner Isabel Dasalla-Agito na pumalit kay Heidi Mendoza.

Sa February 2, 2018 naman magtatapos ang termino ni Agito.

Ipinagpaliban naman ang pagdinig sa nominasyon ni Nieves Osorio bilang commissioner ng Civil Service Commission.

Hinarang ni Senador Juan Ponce Enrile ang kumpirmasyon nina Osorio at Agito noon dahil dapat umanong bigyang kalayaan ang susunod na pangulo na pumili ng ilalagay sa nasabing mga posisyon.

(Bryan de Paz/UNTV NEWS)

Tags: ,