METRO MANILA – Nakarating na sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ng business at labor groups na maglabas ng executive order ang punong ehekutibo upang ipagpaliban ang monthly contribution increase ng Social Security System (SSS).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinag-aaralan na ito ng punong ehekutibo.
“Mayroon na pong sinubmit na recommendation ang SSS pero titingnan po natin ang financial viability ng SSS at the same time, yung kahinaan ng negosyo at hanapbuhay sa gitna ng pandemiya. Asahan po natin ang desisyon sa lalong mabilis na panahon.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Hindi bababa sa 10 business at labor groups ang umapela sa pangulo na maglabas ng EO upang maipatupad ang pagpapaliban ng SSS contribution hike bagaman naisabatas na ang Republic Act 11548 noong Mayo.
Sa pamamagitan ng batas, may otoridad si Pangulong Duterte na ipagpaliban ang nakatakdang hike ng SSS premium contributions habang nasa ilalim ng State of Calamity ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Noon pang January 2021 naging epektibo ang scheduled increase ng SSS monthly contribution mula 12% sa 13%.
Ayon sa mga negasyonte at mga manggagawa, maiibsan ang epekto ng pandemiya kung ipagpapaliban ang pagtaas ng SSS contribution partikular na sa mga maliliit na negosyo na hindi pa rin tuluyang nakakabangon dahil sa krisis sa kalusugan.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: SSS Contribution Hike