Apela sa taas presyo ng ilang bilihin, posibleng desisyunan na ng DTI sa mga susunod na Linggo

by Radyo La Verdad | July 12, 2022 (Tuesday) | 8973

METRO MANILA – Malalaman na sa mga susunod na Linggo kung may mga grocery items na magtataas ang presyo.

Ayon kay Department of Trade Undersecretary (DTI) Ruth Castelo, may 8 produkto ngayon na naka apply na sa kanila at humihiling na payagang magtaas ng presyo, kasama na dito ang dagdag na P4 sa kada supot ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

Patuloy ang isinasagawang pagbabantay ng DTI sa mga presyo ng pangunahing bilihin.

Kahapon ay ininspeksyon nila ang 2 supermarket sa Divisoria.

Isinasagawa ng DTI yung price monitoring para matiyak na yung mga pangunahing pangangailangan ng publiko ay nasa tamang presyo base doon sa kanilang inilabas na Suggested Retail Price (SRP).

Kabilang sa mga produkto tinignan nila ay noodles, sardinas, gatas, kape at tinapay.

“So far compliant naman yung retail store sa suggested retail price bulletin and most products here na nasa bulletin natin mas mababa ang pagbenta ng retail kaisa doon sa SRP natin by at least 1 peso.” ani DTI Usec. Ruth Castelo.

Samantala, kinumpiska naman ng DTI ang mga produktong walang sapat na markings gaya ng manufacturer at Import Clearance Certificate (ICC).

Kabilang na dito ang ilang appliances, helmet at interior ng gulong ng motorsiklo.

Pagmumultahin ang mga napatunayang lumabag sa batas.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,