APEC CEO Summit 2015, nagsimula na

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 1681

APEC
Alas-tres y medya ng hapon ngayon lunes ay pinasimulan na ang APEC CEO Summit 2015 sa Shangri-la Makati.

Kabilang sa mga dumalo ay mga global business executives, economic leaders at policy makers mula sa iba’t ibang bansa sa rehiyon ng asya-pasipiko.

Ang APEC CEO Summit ang pangunahing business forum ng Asia-Pacific Region kung saan tinatalakay ang mahahalagang isyu na maaring makaapekto sa kalagayang pang-ekonomiya ng rehiyon at ng mga bansang miyembro ng APEC.

Layunin din nito na pag-isahin ang business sector at ang mga pamahalaan tungo sa pagbuo ng solusyon sa isyung may kinalaman sa kalakalan at ekonomiya.

Ang APEC CEO Summit ay binubuo ng 12 sesyon kung saan tatlo sa mga ito ay tatapusin ngayong araw.

Tampok sa unang session ang pakikipagpulong ng mga APEC Delegates kay Pangulong Benigno Aquino III, na may temang “Apec’s inclusive growth imperative” kung saan pinangunahan ni Tony Tan Caktiong, Chairman ng APEC CEO Summit 2015 at President/CEO ng Jollibee Foods Corporation ang pagbubukas ng nasabing session.

Tinalakay naman sa ikalawang session ang kasalukuyang global context.

Ayon sa mga pag-aaral, “uncertain” o walang katiyakan ang kalagayan ng pandaigdigang kalakalan sa ngayon at ito ay maaring makaapekto sa rehiyon.

Pinangunahan nina Pangulong Michelle Bachelet ng Chile; Ian Bremmer, President ng Eurasia Group; Dennis Nally, Global Chairman ng Price Water Housec Coopers; at John Rice, Vice Chairman ng GE ang nasabing pagpupulong.

Ang ikatlong session naman ay tumatalakay sa innovation at entrepreneurship.

Ito naman ay pinangungunahan ni Pangulong Juan Manuel Santos ng Colombia; Vincent Slew, Representative ng Chinese Taipei Economic Leader; CEO Dana Hyde ng millennium challenge corporation; at CEO Keith Williams ng underwriters laboratories ang session.

Sa nalalabing dalawang araw ng APEC CEO Summit, nakatakdang talakayin ang asia pacific growth trends, development of human capital, inclusive growth and resilience, at future trends on trade and cities.

Magkakaroon din ng pakikipagpulong kina President Barack Obama ng United States, President Xi Jinping ng China, at Prime Minister Dmitry Medvedev sa huling araw ng summit sa November 18. (Gerry Alcantara/UNTV News)

Tags: