Apat, sugatan sa pagsabog ng isang pipe bomb sa New York City

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 1840

Binulabog ng isang terror attack ang isa sa pinaka-abalang syudad sa Estados Unidos, ang New York City kaninang umaga.

Isang pipe bomb ang sumabog alas siete beinte ng umaga sa New York Port Bus Terminal malapit sa Pamosong Time Square. Apat ang sugatan sa insidente kabilang na ang suspek sa pag-atake na kinilalang si Akayed Ullah, beinte siete anyos at residente ng Brooklyn, New York.

Ang Port Authority Bus Terminal ay isang major commute stop sa syudad, dito dumadaan ang libo-libong commuters araw-araw papasok sa trabaho o pauwi sa kanilang mga tahanan.

Inaalam pa ng mga otoridad kung sinadya o aksidente lamang ang pagsabog ng bomba sa tinawag ng mga otoridad na “Amateur” terror attack. Iniimbestigahan na rin kung mayroong connection sa alin mang terrorist group ang suspek.

Ang insidenteng ito ay nangyari ilang linggo lamang ang nakakaraan matapos na mamatay sa isa ding terror attack, ang walong tao nang araruhin ng isang pick-up truck sa Lower Manhattan.

 

( Nonie Ramos / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,