Apat na item na 2018 national budget, inalis ng Pangulo

by Radyo La Verdad | December 28, 2017 (Thursday) | 3097

Isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang 11-pahinang veto message nito para sa ilang items sa 3.7 trillion pesos 2018 national budget o Republic Act 10964, the General Appropriations Act for 2018.

Una ay ang pangongolekta ng monitoring expenses ng movie television review and classification board.

Ayon sa punong ehekutibo, batay sa Standardization Law, ang lahat ng mga opisyal ng MTRCB ay tumatanggap na ng honoraria at per diem para sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Vetoed din ng punong ehekutibo ang item na pangongolekta ng bayad sa retention o reacquisition ng Philippine citizenship, gayundin ang paggamit ng Department of Education sa school maintenance at operating expenses sa pagbayad ng items na maituturing na capital outlay.

Pinaalis din ni Pangulong Duterte ang probisyon na paggamit sa kita ng Energy Regulatory Commission para i-augment ang operational requirements nito.

Dapat aniyang maging epektibo ang paggamit ng ERC ng budget nito na nagkakahalaga ng 413.60 million pesos.

Samantala, bahagi rin ng veto message ni Pangulong Duterte para sa Kongreso ang pagpapahintulot na magkaroon ng trust fund na manggagaling sa express lane at charges na kinokolekta ng Bureau of Immigration.

Ang trust fund ay gagamitin pambayad sa sweldo at overtime ng mga empleyado ng BI. Ipatutupad ito hanggang mapagtibay ng Kongreso ang bagong Immigration Modernization Law sa 2018.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,