Apat na drug suspects, huli sa talamak na transaksyon ng shabu sa tapat ng Camp Aguinaldo at barangay hall sa Quezon City

by Radyo La Verdad | November 26, 2018 (Monday) | 9585

Arestado ang apat na residente ng Barangay San Roque sa Quezon City kaninang bandang alas dos ng madaling araw dahil sa umano’y pagbebenta at paggamit ng shabu.

Ayon kay Police Senior Inspector Ramon Aquiatan, positibong kinilala at itinuro umano ng isang asset si Rodel Rayos na siyang nagtutulak ng droga sa lugar.

Naabutan din sa bahay ng suspek na ginagawa umanong drug den ang tatlong parokyano ni Rayos. Nakumpiska sa mga suspek ang labing anim na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa walong libong piso at mga drug paraphernalia.

Ayon pa kay Aquiatan, talamak ang bentahan ng iligal na droga sa lugar kahit pa katapat mismo ito ng barangay hall ng Soccoro at ng Gate 1 ng Camp Aguinaldo.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Tags: , ,