Nahuli ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang apat na lalaki sa isinagawang buy bust operation sa Paras Street, Pandacan, Manila bandang alas nuebe kagabi.
Target ng operasyon ang isang hinihinalang tulak ng shabu na kinilala sa pangalang Reynaldo Punzalan, disi otso anyos at residente sa lugar. Nagpanggap na buyer ng shabu ang isang pulis at nang magkabayaran na ay inaresto na ang suspek. Kasama rin sa naaresto ang tatlo pang lalaking hinihinalang parokyano ng suspek.
Nasabat sa mga suspek ang labingdalawang sachet ng hinihinalang shabu. Aminado naman si Punzalan sa pagtutulak nito ng shabu. Pinagkukuhanan umano nito ng shabu sina alyas Obet at alyas Orlan na parehong taga-Mandaluyong.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga otoridad upang tugisin ang iba pang posibleng kasama ni Punzalan sa operasyon nito.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng MPD Station 10 ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: arestado, buy bust operation, drug suspect