Apat na biktima sa banggaan ng tricycle sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 3718

Nakaupo sa gilid ng kalsada ng datnan ng UNTV News and Rescue Team ang apat na sakay ng isang tricycle na sugatan matapos banggain ng isang pang tricycle ang kanilang sasakyan sa Park Cabugwason, barangay Mansilingan, Bacolod City, alas tres noong Sabado ng madaling araw.

Nagtamo ng iba’t-ibang sugat at galos sa katawan sina Orenda Posadas, Ronald Posadas, Lovely Paragoya at Francis Pabuaya habang ligtas naman ang driver ng mga ito na hindi na nagbigay ng kaniyang pangalan.

Ayon sa mga biktima, papaliko na sila pa-kanan o kaliwa ng biglang silang banggain ng kasalubong na tricycle.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga pinsalang tinamo ng biktima at pagkatapos ay dinala na ang mga ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Hindi naman na nagsampa ng reklamo ang mga biktima sa driver na nakabangga dahil madilim ang lugar at lubak-lubak pa ang kalsada na posible umanong naging sanhi ng aksidente.

Samantala, nirespondehan naman ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente sa Kauswagan Cagayan de Oro City noong Byernes ng hapon.

Sugatan ang motorcycle rider na si Romnick Egol, 28 anyos matapos na bumangga sa likuran ng isang kotse na sinusundan nito.

Ayon sa mga nakasaksi, papaliko na sana upang magpark ang kotse nang mabangga ito ni Romnick. Ngunit ayon sa biktima, hindi umano nagbigay ng signal ang sasakyan kaya niya nabangga.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng News and Rescue Team si Romnick na tumanggi nang magpadala sa ospital.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,