Anti-microbial resistance, maaaring lumala dahil sa maling paggamit ng antibiotics

by Jeck Deocampo | November 22, 2018 (Thursday) | 5818

METRO MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 700,000 tao ang namamatay sa buong mundo dahil sa anti-microbial resistance ayon sa World Health Organization (WHO). Ngunit ikinababahala ng WHO na umakyat ito sa sampung milyon pagdating ng 2050 kapag hindi naipaunawa sa publiko ang tungkol dito.

Ang anti-microbial resistance (AMR) ay ang instansya kapag hindi na tumatalab ang isang gamot upang puksain ang mikrobyo o parasite na nasa katawan ng isang tao. Nangyayari ito kapag mali o sobra sa itinakda ang pag-inom ng anti-biotics.

Babala ng Department of Health (DOH), huwag mag-self medicate lalo na ng antibiotics sa anomang uri ng sakit. Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, agad na komunsulta sa mga doctor para sa anumang uri ng sakit ang nararamdaman.

“Kapag kayo po ay naresetahan ng gamot, antibiotics, lalong-lalo na ay mangyari lang po na buoin po natin ang reseta at huwag po natin pinipiraso,” ani Secretary Duque.

Payo ni Sec. Duque, sundin ang nakatakdang oras at araw ng pag-inom ng gamot lalo na ng antibiotics na inireseta ng isang doktor upang maiwasan ang antimicrobial resistance.

Dahil sa maling paraan ng pag-inom ng antibiotics, posibleng sa susunod na magkaroon ito ng mas malalang sakit o infecton ay mangangailangan nang gumamit ng mas mataas na uri ng panlaban sa impeksyon.

Bukod sa tao, isang malaking hamon din sa animal sector ang pagkaroon ng anti-microbial resistance. Ayon sa Bureau of Animal Industry, naabuso ng ilang small time poultry farmers ang paggamit ng antibiotics.

“Although we have a list of all the agricultural suppliers, they can freely sell (antibiotics). There’s no restriction as of the moment. We have no law banning the sale of antibiotics for animals. That’s what we would want to have in the national anti-microbial plan,” pahayag ni Dr. Jocelyn Salvador ng Bureau of Animal Industry.

Maaaring maipasa sa tao ang sakit mula sa hayop kapag ito ay kinatay at nakonsumo ng publiko.

 

(Ulat ni Aiko Miguel / UNTV News)

Tags: , , ,