Naipalathala na ngayong araw ng Department of Transportation sa mga pahayagan ang nirebisang mga regulasyon ng Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Law.
Nangangahulugan ito na matapos ang labing limang araw mula ngayon, epektibo na muli ang pagpapatupad ng batas sa mga motorista simula sa July 6 araw ng Huwebes.
Sa ilalim ng Anti-Distracted Driving Act, ipinagbabawal ang paggamit ng mobile communication o anumang gadget habang nagmamaneho ang isang driver.
Bawal ang pagtetext, pagtawag, paglalaro, panunuod ng pelikula, pagbabasa ng e-books at pagi-internet kung ang isang driver ay nagmamaneho.
Subalit kung emergency ang tawag o ginagamit ang gadget bilang navigational device, ay pinahihintulutan naman ito ng batas.
Gayunman, kinakailangan na naka hands-free mode o speaker mode ang cellphone o gadget at nakapwesto apat na pulgada ang layo mula sa dash board ng sasakyan.
Ang LTO ang pangunahing ahensya na naatasan na magpatupad ng batas, katuwang ang LTFRB, MMDA, at ang Pnp-Highway Patrol Group.
Gagamitin naman sa pagmomonitor sa mga motorista ang cctv cameras ng MMDA.
Samantala exempted naman sa batas ang isang driver kung ito ay tumatawag sa mga otoridad para i-report isang krimen o kung mayroong sunog.
Gayundin sa mga sitwasyon na nangangailangan ng agarang atensyong medikal at iba pang kahalintulad nito.
Ang mga mahuhuling lalabag sa batas ay pagmumultahin ng 5-libong piso para sa first offense, sampung libong piso para sa ikalawang paglabag at 15 thousand hanggang twenty thousand pesos at suspensyon o pagbawi ng lisensya sa ikatlo at ika apat na paglabag.
May 18 nang pansamantalang suspendihin ng transportation department ang implementasyon ng anti-distracted driving, matapos na magdulot ng kalituhan sa mga motorista.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)