Laban sa krimen gamit ang motorsiklo, paiigtingin ng PNP

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 2650

Ang motorsiklo ang kadalasang  ginagamit na get away vehicle ng mga kriminal.

Sa katunayan nasa 959 na iba’t-ibang kaso na ang kinasasangkutan ng mga motorcycle-riding suspect sa second quarter ng taon base sa tala ng PNP -DIDM.

Kaya naman ang PNP, hindi tumitigil para mapababa pa ang krimen sa bansa gaya ng paglulunsad ng clean riding suspects o motorcycle riding suspects (MRS).

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, sa ilalim ng nasabing programa ay didikitan ng sticker ang mga motorsiklong boluntartong magpaparehistro sa pulisya.

Kapag may sticker na, hindi na aniya hihigpitan sa checkpoint ng PNP at posibleng hindi paghinalaan oras na may mangyaring krimen sa lugar.

Nilinaw ni chief PNP, libre ang sticker na serial numbers ay ididikit nila sa mga motorsiklo.

At upang makakuha ng sticker, kailangan lamang na magtungo sa pinakamalapit na himipilan ng pulis. Dalhin ang OR/CR ng motor, deed of sale kung hindi nakapangalan sa iyo ang motor, drivers license at dalawang government IDs.

Tiniyak naman ng PNP na idadaan sa masusing background investigation ang mga mag-aapply para sa sticker.

Hindi rin aniya basta-basta mapepeke ang stickers dahil sa taglay nitong security features at serial number na katulad ng ididikit sa drivers license.

Paliwanag pa ng PNP, kapag itinapat ng mga checkpoint enforcer ang telepono nila na mayroong mobile apps sa sticker na nakadikit sa motorsiklo, lalabas na ang data ng may-ari ng motor maging ang OR/CR nito kaya’t malalaman kung ninakaw lamang ang motor.

Dagdag ni chief PNP, kasama sa didikitan ng clean rider sticker ang mga motorsiklo ng mga pulis.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,