Ginarantiyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Japanese businessmen at Prospect investors na dumalo sa Business Forum sa Tokyo kahapon, May 29, 2019, na tiyak na walang korapsiyon na magaganap sa kaniyang termino.
Sinabi rin nito na kung may reklamo sa tahasang katiwalian ang bawat Japanese investors sa bansa maliit man o malaki ay ipaalam lamang sa kaniya at maari din makipagugnayan sa mga miyembro ng gabinete at kanilang Filipino lawyers. Maari rin umanong hilingin dito na makausap siya hinggil sa problema at kaniya itong susolusyonan.
Subalit sa kabila ng ipinangako ng Punong Ehekutibo, kinwestiyon naman ni Senator Panfilo Lacson ang Anti-Corruption Campaign ng administrasyong Duterte sa kaniyang privilege speech kahapon.
Na-promote pa aniya ang unang tinanggal na sa pwestong si Manila International Container Port Collector Vener Baquiran sa pagiging Customs Deputy Commissioner.
Ayon kay Lacson, isa si Baquiran sa mga bagmen sa Tara system ng BOC at kabilang din sa mga inimbestigahan ng mga otoridad sa paglusot ng P6.8 billion pesos na halaga ng shabu shipment sa pamamagitan ng apat na magnetic lifters sa Cavite noong 2018.
Bukod dito, ipinunto rin ni Lacson sa kaniyang privilege speech na business as usual pa rin ang katiwalian ng ilang Customs Official dahil sa patuloy na pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
Kabilang na ang nakumpiskang isang bilyong pisong halaga ng shabu sa malabon noong nakaraang linggo.
Dito nakwestiyon ng Senador ang Customs at Philippine Drug Enforcement Agency sa ginawang hakbang nito na payagang idaan sa subasta ang illegal shipment upang madiskubre lamang ang mga miyembro ng sindikato.
“The Bureau averred that it deliberately placed the shipment containing illegal drugs for auction, which was later bidded out and won by Goldwin Commercial. Let’s assume for a while that we are buying their story, the question is the BOC legally allowed to subject prohibited goods to public sale or auction?” Ayon kay Sen. Panfilo Lacson.
At kahit dalawang taon na ang nakakalipas mula ng kaniyang i-expose ang “Tara” system sa BOC, hanggang ngayon aniya, ‘di pa rin ito nasusupil sa kawanihan.
Nilinaw naman ng mambabatas na walang bahid ng korapsyon si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero gayunman, di pa rin nareresolba ang isyu ng katiwalian sa Bureau of Customs.
Pahayag naman ni Sen. Panfilo Lacson, na kung kani-kanino nalang napupunta ang nasabing mga “Tara” para sa kaniya o para sa Office of the Commissioner, ang kabuuang P5,000 kada container plus 10% ng koleksiyon sa bawat Section/Office direkta na sailalim ng OCOM; P3,000 para sa Intelligence Group; P1,000 to P2,000 para sa Enforcement Group; P3,000 para naman sa Risk Management Office; at P2,000 hanggang P3,000 para naman sa Import and Assessment Service . Hinahayaan naman niya ito kay Gen. Guerrero para malaman at maimbestigahan.
Samantala, wala pang tugon ang Palasyo sa mga pahayag na ito ni Senador Lacson.
(Rosalie Coz | UNTV news)
Tags: anti-corruption campaign, Duterte administration, Sen. Lacson