Antas ng seguridad sa Cotabato City, itinaas na sa level 3 kasunod ng pagsabog sa Midsayap

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 3423

Mas pinaigting pa ang seguridad na ipinapatupad ngayon sa Cotabato City, kasunod ng pagsabog sa Midsayap kagabi. Inilagay na ng militar sa alert level 3 ang seguridad sa lugar kung saan nangangahulugan na magpapatupad ng curfew sa lungsod.

Simula mamaya, hindi na maaaring lumabas ang mga residente simula alas nuebe ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga. Mas hinigpitan rin ang security inspection sa pamamagitan ng pagsara sa mga checkpoint sa oras ng curfew.

Hihingan ng identification at isasailalim rin sa interrogation ang mga dadaan sa check point sa mga nasabing oras.

Ayon pa kay Western Mindanao Command Spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, malaking tulong din ang umiiral na martial law sa pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad.

Samantala, isinisi ng militar sa ISIS inspired group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pagsabog sa Midsayap at sa Gensan.

Naniniwala ang AFP na gustong sirain ng grupo ang usapang pangkapayaan at maaaring ginagamit na rin sila ng mga pulitiko upang sirain naman ang kalaban nila sa pulitika.

Gayunman, mariin pa ring itinatanggi ng grupo na sila ang nasa likod ng mga pagsabog.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: ,