Tinatayang halos apatnapung porsiyento ang ibinaba ng crime rate sa Metro Manila sa nakalipas na walong buwan batay sa datos ng Philippine National Police.
Sa Quezon City, pinakamalaking nabawasan ang carnapping incident ngunit nangunguna pa rin ang lungsod sa may pinakamaraming insidente nito
Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, bukod sa carnapping cases ay malaki rin ang nabawas sa kaso ng krimen tulad ng rape, physical injuries, robbery, homicide, murder, motornapping at theft.
Pinalalakas naman ngayon ng PNP ang kanilang kapasidad na labanan ang cyber crime dahil ito na ang bagong scheme ng mga magnanakaw sa mga bangko at iba pang financial institutions.
Samantala apat na pu’t dalawa na ang bilang ng mga nasawi mula nang ibalik ng Philippine National Police ang kanilang operasyon kontra iligal na droga.
Sa datos na inilabas ng pnp kahapon, mahigit two-thousand eight hundred na rin ang naaresto habang mahigit sa labintatlong libo ang sumuko mula sa mahigit isangdaang libong bahay na kinatok ng mga pulis.
Una nang sinabi ng PNP na sisikapin nilang maging hindi masyadong marahas ang pagpapatupad ng operasyon kumpara sa unang war against drugs.
Pinakikiusapan na rin anila ang mga drug suspect na huwag nang manlaban upang hindi mauwi sa karahasan ang operasyon.
Tags: Antas ng kriminalidad, bumaba, Metro Manila, walong buwan