Ano-ano ang mga dapat malaman ng publiko tungkol sa TRAIN Law?

by Radyo La Verdad | January 9, 2018 (Tuesday) | 122762

Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, pahirap o makakatulong sa bayan? Isa-isahin natin kung ano ba ang nilalaman ng tax reform package na tinatayang makapagbibigay ng 130 billion pesos na pondo sa pamahalaan.

Mayroong tatlong aspeto ang reporma sa income tax, dagdag buwis o increased taxes, bawas buwis o reduced taxes at bagong buwis o new taxes. Ang pagpapababa sa income tax ang pinakamahalagang bahagi ng tax reform law na nasa ilalim ng reduced taxes.

Ayon sa Bureau of Internal Revenue 90% ng 7.5 million na mga Filipino tax payer ang makikinabang sa naturang batas. Lahat ng sumasahod ng 250 thousand kada taon o kumikita ng hindi hihigit sa 22 thousand kada buwan ay exempted sa pagbabayad ng buwis.

Kaiba sa Tax Code of 1997 o ang National Internal Revenue Code na kung saan lahat ng kumikita ng 10 thousand pesos pababa kada taon ay binubuwisan ng limang porsyento sa kanilang annual income.

Magkakaroon rin ng pagbabago sa value-added tax o VAT dahil sa TRAIN Law. Kabilang dito ay ang exemption sa VAT ng lahat ng gamot sa diabetes, high cholestereol at hyper tension simula 2019.

Maituturing ang mga ito na pangunahing sakit na pinakamataas na naitatala ng Department of Health sa Pilipinas. Mababawasan rin ang buwis sa estate tax at donors tax.

Kasama naman sa madadagdagan ng buwis o increase tax ang passive income, excise tax sa sigarilyo, produktong petrolyo, mineral products gaya ng coal, automobile o mga sasakyan at documentary stamp tax.

Kabilang naman sa new taxes o bagong bubuwisan ang lahat ng mga matatamis na inumin o sweetend beverages, non essential services gaya ng mga cosmetic surgery at buwis sa mga nanalo sa lottery ng PCSO.

Sa softdrinks at juice, 6 to 12 pesos kada litro na dagdag-presyo, tataas rin ng limang porsyento ang pagpapa-retoke ng mukha at mayroon namang 20% na buwis sa sinomang mananalo sa lotto ng mahigit sampung libong piso.

Subalit bago naaprubahan ang TRAIN Law, ilan sa mga probisyon ng batas ay na-veto o inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang dito ang dagdag na tax sa sigarilyo, exemption sa buwis ng ilang produktong petrolyo na ginagamit bilang pamalit sa natural gas. Exemption sa percentage tax ng kabuuang sales na hindi hihigit sa limang daang libo.

Zero rating ng mga nabentang serbisyo o produkto at pagpapababa ng buwis sa mga empleyado ng mga regional at operating headquarters, offshore banking units at petroleum service contractor at subcontractor.

Ayon kay Pangulong Duterte, inalis ang mga naturang probisyon dahil nakita niyang hindi ito makatutulong sa kapakanan ng mas nakararami.

Malaki ang mawawalang kita sa pamahalaan dahil sa reporma sa income tax. Ang tanong ng marami, saan ngayon kukunin ng gobyerno ang pang gastos upang suportahan ang ilang proyekto kabilang na ang ambisyosong infrastructure project ng administrasyon Duterte na “Build, Build, Build”? Iyan ang aabangan bukas sa ikalawang bahagi ng special report na ito kaugnay ng train law”

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,