Nakahimlay sa Manila American Cemetery and Memorial ang higit 17 libong mga labi ng mga Amerikano at Pilipinong sundalong namatay sa World War 2.
Samantala, sa mga pader nakaukit ang pangalan ng 36 na libong nag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa Amerika at Pilipinas subalit hindi na natagpuan ang kanilang mga labi.
November 11, 1918 sa ganap na ika-11 ng umaga nang tapusin ang unang pandaigdig na digmaan sa pamamagitan ng isang kasunduan.
Mula noon hanggang ngayon, hindi nalimutang gunitain ang sakripisyo at kagitingan ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo nang mga panahong iyon.
Makalipas ang halos isang siglo, mas tumibay pa at lumawig ang mabuting relasyon ng amerika sa itinuturing nitong pinakamatagal nang kaalyansang bansa sa Asya–ang Pilipinas.
Pinangunahan ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Hernando Iriberri ang pagbibigay parangal sa mga sakripisyo ng beteranong Amerikano at Pilipinong sundalo ngayong myerkules sa Manila American Cemetery and Memorial.
Nakibahagi sa komemorasyon ang ilang beterano ng dalawang bansa ganun din ang mga kinatawan ng embahada ng Amerika sa Pilipinas, ilang pilipinong mambabatas, at mga kawal ng hukbong sandatahang lakas ng pilipinas. (Rosalie Coz /UNTV News)
Tags: Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Hernando Iriberri, Manila American Cemetery and Memorial, US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg