Angkas, ititigil na ang operasyon sa Metro Manila simula bukas

by Radyo La Verdad | November 17, 2017 (Friday) | 4106

Sumulat kahapon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pamunuan ng app-based transport service na Angkas. Nakasaad sa sulat na ititigil na ng kumpanya ang kanilang operasyon sa Metro Manila simula bukas.

Nauna ng itinigil ng Angkas ang kanilang operasyon sa Cebu. Humingi naman ng paumanhin sa LTFRB at publiko ang Angkas.

Una ng naglunsad ng operasyon ang LTFRB laban sa Angkas dahil hindi pinahihintulutan ng ahensya ang kanilang operasyon.

Hindi tulad sa Grab at Uber na 4 wheel vehicles ang ipinapasada, sa Angkas, mga motorsiklo ang ginagamit ng mga partner drivers ng kumpanya.

Ayon sa LTFRB bawal na gawing pampasada ang motorsiklo gaya ng ginagawa ng Angkas at habal-habal. Aabot naman sa mahigit dalawang libong Angkas drivers ang apektado ng pagtigil sa kanilang operasyon.

Nangako naman ang LTFRB, katuwang ang Department of Labor and Employment na tutulungan nilang makahanap ng alternatibong mapagkakakitaan ang mga apektadong drayber. Isang job fair ang isasagawa sa December 13 para sa mga Angkas drivers.

Paalala ng LTFRB sa mga driver na dalhin ang  mahahalagang requirements para sa nasabing job fair. Itutuloy naman ng LTFRB ang operasyon laban sa mga motorsiklong ginagamit na pampasada gaya ng habal-habal.

 

( Abi Sta. Ines / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,