Ang kasalanan ko lang yung mga extrajudicial killing – Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 5135

Hindi ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pahayag kahapon sa Malacañang nang sabihin nitong ang kasalanan niya lang aniya ay ang exrajudicial killing.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang talumpati at parangal sa mga bagong Career Executive Service Officers (CESO).

Kasunod ito nang pagtuligsa ng punong ehekutibo sa tinatawag niyang Pangilinan Law o ang Republic Act 9344 na akda ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan.

Nakasaad sa naturang batas na ang mga may edad labinlimang taon pababa ay hindi maaaring mabilanggo sa mabibigat na krimen na kanilang ginawa.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya nagnakaw ng salapi ni nagpabilanggo man ng isang tao, ang kasalanan lang aniya ay extrajudicial killings (EJK).

Karaniwang itinuturing na EJK ang pagpatay na umano’y ginagawa ng mga pulis o sundalo.

Muli ring binatikos ng Pangulo ang International Criminal Court (ICC) at sinabing wala itong karapatan na imbestigahan ang anti-drug war ng kaniyang administrasyon.

Kabi-kabila ang pagtuligsa sa anti-drug campaign ng pamahalaan dahil sa libo-libong drug related killings.

Samantala, sa isang banda, sinabi rin ng Pangulo na may mga tauhan ng pulisya na tinatawag na ninja cops o mga pulis na gumagawa ng krimen at iba pang uri ng katiwalian.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,