Sinimulan ngayon huwebes ng umaga ng depensa ang presentasyon ng karagdagan nilang testigo para sa bail hearing ng anim pang mga akusado sa Maguindanao massacre.
Unang sumalang sa witness stand ang isa sa pangunahing akusado na si Andal Ampatuan Junior na itinuturong isa sa mga bumaril at pumatay sa limampu’t walong mga biktima.
Iginiit nito na wala siya sa lugar ng massacre nang mangyari ang krimen.
Noong umaga ng November 23, 2009, nasa munisipyo umano siya ng Datu Unsay upang dumalo sa special meeting ng mga lokal na opisyal at negosyante.
Nang usisain ng prosecution, tanging minutes ng sinasabing pulong ang naipakita ni Andal Junior sa korte.
Walang attendance sheet ng mga dumalo, notice ng meeting o kaya’y transcript ng buong pagpupulong.
Nagtataka rin ang prosecution kung bakit ngayon lamang inilabas ni Andal Junior ang tungkol sa umano’y meeting, limang taon ang nakalipas.
Iginiit din ni Andal Junior na wala siya sa pulong noong November 17, 2009 kung kailan plinano ang pagpatay sa mga biktima.
Nang araw na yun, nasa byahe umano pauwi ng Pilipinas galing ng Los Angeles, sa California.
Isang testigo pa ang nakatakdang ipresenta ng depensa ngayon huwebes ng umaga ngunit hindi na ito natuloy.
Kahit ang presentasyon ng testimonya ni Andal Junior ay hindi na tinapos.
Hiniling ng Abogado ni Andal Ampatuan Jr na si Atty.Salvador Panelo na sa susunod na pagdinig na lamang sa October 29 ituloy ang presentasyon ng testimonya ni Andal Jr. dahil babyahe pa siya patungong Davao.
Dahil dito inatasan ni Judge Jocelyn Solis Reyes si Atty. Panelo na isumite sa korte ang kanyang boarding pass at ticket sa eroplano.
Binalaan din ito ng huwes na kung patuloy na hindi susunod sa judicial affidavit rule ay hindi siya papayagang makapagpresenta pa ng testigo.
Para naman kay Atty Panelo malabong mangyari ang sinasabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na makakapaglabas ng partial judgment sa kaso bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ang problema umano sa ngayon ay may mga testigong kung hindi tinatakot at binabayaran ay kinakasuhan naman at pinapatay.
Sa panig ng depensa, dalawa na umano sa kanyang testigo ang pinatay. ( Joyce Balancio / UNTV News )
Tags: Andal Ampatuan Junior, Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Judge Jocelyn Solis Reyes