Anak ni Sen. Lacson, sangkot sa cement smuggling – former Comm. Faeldon

by Radyo La Verdad | August 25, 2017 (Friday) | 1923

Ikinagulat at itinanggi ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang pagdawit sa kaniya ni Senator Panfilo Lacson sa isyu ng korupsyon sa Bureau of Customs. Kahapon, bumuwelta ang dating BOC chief sa mambabatas at inakusahan ang anak ng senador ng pagiging sangkot sa cement smuggling.

Ayon kay Faeldon,  67 shipment ng semento na undervalued ang ipinasok sa bansa ng kumpanyang “Bourjourno” ni Panfilo Lacson Jr. Ayon sa BOC chief nakarehistro din na mga computer parts ang inaangkat na produkto ng kumpanya, subalit mga semento ang ipinapasok nito sa Pilipinas.

Ayon pa kay Faeldon, una nang isinumbong sa kaniya ng Cement Manufacturers Association of the Philippines ang Bojourno dahil sa kwestyunableng mga transakyon.

Ayon naman sa CEMAP, sa panahon pa ni dating Customs Chief Alberto Lina isinumbong na nila ang mga kumpanyang may iligal na aktibidad gaya ng Bojourno pero hanggang ngayon ay walang nangyayari.

Ayon naman kay Faeldon, nagpadala na siya ng sulat sa Pangulo at sa World Customs Organization upang imbestigahan ang maanomalyang shipment na kinakasasangkutan ng anak ni Senator Lacson.

Bukod sa anak ni Senator Lacson, inamin din ni Faeldon na marami pang mga opisyal ng gobyerno ang sangkot din sa smuggling sa bansa.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,