Anak ni Janet Lim-Napoles, nagpiyansa sa kasong tax evasion

by monaliza | March 24, 2015 (Tuesday) | 1530

jeane-napoles

Nagpiyansa sa kasong tax evasion si Jeane Catherine Napoles, ang anak ni Janet Lim-Napoles na itinuturong utak ng bilyong-pisong pork barrel scam.

Ipinahayag ni Atty. Stephen David, legal counsel ni Jeane na aabot sa P50,000 ang ibinayad na piyansa nito sa First Division ng Court of Tax Appeals.

Kabilang sa mga hinahabol kay Jeane ang P17.46-million tax liability para sa residential condominium sa Ritz-Carlton Residences sa Los Angeles, California para sa 2011 at mahigit sa kalahating milyong piso bilang co-owner ng dalawang farm sa Pangasinan para naman sa taong 2012.

October 2013 nang kasuhan ng tax evasion ang anak ni Napoles ng Bureau of Internal Revenue bunsod ng hindi umanong pagbayad ng buwis para sa mga ari-arian sa loob at labas ng bansa.

Setyemre ng nakaraang taon nang aprubahan ng department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kay Jeane matapos makakalap ng sapat na ebidensya ang BIR.