Anak ni dating Gov. ER Ejercito, hiniling sa Korte Suprema na utusan ang COMELEC na mag imprenta ng bagong balota para sa Laguna

by Radyo La Verdad | April 26, 2016 (Tuesday) | 2286

ER-EJERCITO
Noong April 8 pa natapos ng COMELEC ang pag iimprenta ng lahat balotang gagamitin sa halalan sa Mayo.

Ngunit dalawang linggo bago ang botohan, nais ng kampo ni dating Laguna Governor ER Ejercito na palitan ang mga balota sa Laguna.

Ito ay dahilang hindi pa rin tinanggal ng COMELEC sa balota ang pangalan ng kanyang anak na si Jorge Antonio Ejercito kahit iniatras na nito ang kanyang kandidatura sa pagka gobernador ng lalawigan noong Pebrero.

Dati nang sinabi ng COMELEC na kulang na sila sa panahon upang baguhin pa ang balota.

Ngunit hindi naniniwala dito ang kampo ni Ejercito dahil nagawa anila ng komisyon na isingit pa sa balota ang partido ni Senador Miriam Santiago.

Dumulog kahapon sa Korte Suprema ang anak ni Ejercito upang pautusan ang COMELEC na mag imprenta ng bagong balota para sa buong lalawigan ng Laguna.

Naniniwala si Atty. Romulo Macalintal na may panahon pa upang gawin ito ng COMELEC dahil aabutin lamang ng isa’t kalahating araw ang pag iimprenta ng 1.6 million na balota para sa Laguna.

Walang sesyon sa ngayon ang Korte Suprema ngunit ayon sa kanilang abogado maaari naman itong aksyonan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno o kaya’y ng mahistradong may hawak sa kaso.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: ,