Amparo petition laban sa ilang opisyal ng Iglesia ni Cristo, dininig ng Court of Appeals

by Radyo La Verdad | November 4, 2015 (Wednesday) | 1018

menorca
Hindi sumipot ang mga opisyal ng Iglesia ni Cristo sa pagdinig ng Court of Appeals 7th Division sa Amparo Petition na isinampa ng kapatid at hipag ng dating ministro na si Lowell Menorca the second.

Sa halip ay ang mga abogado lamang mula sa Accralaw ang humarap sa pagdinig upang hilingin sa korte na idismiss ang petisyon para sa writ of amparo at habeas corpus.

Ayon kay Atty Patricia Ann Prodigalidad, hindi na naka detain sina Menorca at malaya na itong nakakakilos kaya naging moot na o wala nang saysay ang petisyon.

Kinumpirma din ng abogado ng Iglesia ni Cristo na nasa labas ng bansa ang executive minister ng INC na si Eduardo Manalo.

Humingi rin ito ng paumanhin sa hindi pagsipot ng mga respondent sa pagdinig nitong martes.

Sinabi pa ni Atty Prodigalidad na wala naman sa rules ng writ of amparo at habeas corpus na kailangang personal na humarap ang mga respondent.

Hindi sinangayunan ng korte ang motion to dismiss ng abogado ng INC at itinuloy ang pagdinig sa petisyon.

Humarap naman sa pagdinig si Menorca, kasama ang kanyang asawang si Jinky Otsuka at ang kanilang kasangbahay na si Abegail Yanson upang tumestigo bilang suporta sa petisyon na naglalayong mabigyan sila ng proteksyon sa umano’y banta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya.

Ngunit bago maka testigo, isa umanong babae na nagpakilalang tauhan ng CIDG ang nagtangkang tangayin si Yanson pagkalabas mismo ng court room.

Bahagi umano ito ng kanilang rescue operation sa kasangbahay na pinipigil umano ng mga Menorca.

Ngunit ayon sa abogado ni Menorca na si Atty Trixie Angeles, nagpumiglas at hindi sumama si Yanson sa nagpakilalang pulis na isa umanong miyembro ng Iglesia ni Cristo.

May sumugod po don sa kasama namin si Ms. Abegail Yanson at pilit kinukuha. Inakbayan po siya ng isang nakaputi at later on napag alaman namin na sya ay isang officer daw ng CIDG habang naglalakad kami. Wala pong ipinakitang warrant o court order at di po namin alam pano sila pinapasok. Maliwanag po na may panggagamit po dito.” Pahayag ni Atty. Trixie Angeles, legal counsel ni Lowell Menorca II

Depensa ng abogado ng INC, nanay ni Yanson ang nagtangkang yumakap sa kanyang anak.

Ngunit nang tanungin ng korte, naiiyak na sinabi ni Yanson na hindi niya kilala ang umakbay sa kanya at nagtangkang hilahin siya palayo sa lugar.

Nagtataka naman si atty angeles kung bakit lumitaw lamang ang isyung ito matapos ma rescue si menorca.

Patunay lamang aniya ito na hindi tumitigil ang pangha harass sa pamilya ng dating ministro.

Samantala, pinagtalunan naman ng mga abogado ng petitioner at respondents kung dapat pang isalang sa cross examination ang kanilang mga testigo.

Giit ng abogado ng INC hindi na ito kailangan dahil summary lamang ang pagdinig ng amparo petition.

Ngunit ayon sa abogado ng petitioner kailangan pa rin ma cross examine ang testigo kahit na summary lamang ang pagdinig sa petisyon.

Dagdag pa nito, walang nakalagay sa rules ng writ of amparo na hindi na dapat i cross examine ang mga testigo

Sa huli, nagdesisyon ang korte na magsumite ng judicial affidavits ang mga testigo ng magkabilang panig hanggang sa huwebes.

Ngunit itutuloy sa susunod na miyerkules, November 11 ang cross examination ng mga testigo. ( Roderic Mendoza / UNTV News )

Tags: ,