Amnesty ni Sen. Trillanes, pinawalang-bisa dahil hindi tumupad sa requirements ang mambabatas – DOJ

by Radyo La Verdad | September 4, 2018 (Tuesday) | 2754

Walang bisa mula sa simula ang ibinigay na amnestiya ni dating Pangulong Benigno Aquino III kay Senator Antonio Trillanes IV. Ito ang binigyang linaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra dahilan para iutos ang pag-aresto sa mambabatas.

Batay sa Proclamation No. 75 o General Proclamation of Amnesty, may mga requirement na kailangang ipasa ang isang naakusahan ng rebelyon tulad ni Trillanes upang ganap na matanggap ang pribilehiyong iginagawad ng Pangulo.

Tulad ng personal na pagfifill-up under oath ng official application for amnesty at pag-amin sa kasong sedition at coup d’etat na inihain laban sa kaniya.

Bukod dito ayon kay Guevarra, walang naging pagsang-ayon ang Kongreso ng ito ay ipagkaloob ng dating Pangulo na itinatakda ng konstitusyon.

Samantala, inihahanda na rin ng Department of Justice (DOJ) ang pormal na kahilingan sa Makati City Regional Trial Court Branch 148 upang maglabas ng alias warrant of arrest. Taong 2003 pa nang makasuhan ng coup d’etat ang dating lieutenant senior grade na si Trillanes.

Samantala, itinanggi naman ni Solicitor General Jose Calida na bahagi siya ng mga nagplano ng pagpapaaresto kay Trillanes gaya ng iginigiit ng senador.

Samantala, ipinagtataka naman ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo ang tila pagkakaantala umano ng pagpapawalang-saysay ng amnesty.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,