Amendment sa Tax Reform Act, malabo nang maipasa sa kasalukuyang adminisyrasyon – Rep Miro Quimbo

by Radyo La Verdad | November 13, 2015 (Friday) | 1127

QUIMBO
Inamin ni House Committee on Ways and Means Chairman Miro Quimbo na malabo nang maipasa pa ng kasalukuyang kongreso ang panukalang pag-amyenda sa Tax Reform Act.

Ito ay sa dahilang kapos na sa panahon ang Kamara at Senado upang matalakay ang mga amendment na mangangailangan pa ng masusing pag-aaral.

May suhestiyon naman si Quimbo upang mapababa ang binabayarang personal income tax at ito ay ang i-adjust ang tax bracket na kasalukuyang pinag-aaralan ng komite.

Sinabi nito na suportado ng Aquino administration ang lowering income tax bill subalit gahol na sa panahon ng dalawang kapulungan ng kongreso.

Maaaring naman aniya itong mapag-usapan at maipasa ng susunod nang administrasyon.

Samantala kumpiyasa naman si Quimbo na maipapasa ng kamara ang panukalang batas na naglalayong patawan ng dagdag 10-pesos excise tax ang mga sugar sweetened beverages at softdrinks.

Nitong linggo pumasa na ito sa committee level at nakatakda nang isalang sa plenaryo.

Ang panukalang batas na ito ay naglalayong makaiwas sa sakit na galing sa mga artificial sweetener ang mga pilipino lalo na ang mga bata.

Tiniyak naman ng mambabatas na hindi maaapektuhan ang sugar industry ng bansa dahil ang nililimitahan lamang sa panukalang batas ay ang mga artificial sweetner at hindi ang asukal. (Grace Casin/UNTV News)

Tags: ,