Ambassador Renato Villa, idineklarang persona non grata sa Kuwait at binigyan ng isang linggo upang bumalik ng Pilipinas

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 2728

Sa state-run Kuwait News Agency (KUNA) unang lumabas ang balita kagabi na idineklara ng Kuwaiti government na persona non-grata si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa.

Nakasaad din dito na binibigyan ng isang linggo ang opisyal upang bumalik ng Pilipinas. Kasabay nito ay ni-recall din ng Kuwaiti government ang kanilang ambassador sa Pilipinas.

Ayon sa KUNA, ang hakbang na ito ng pamahalaan ng Kuwait ay bilang paghihiganti sa umano’y undiplomatic acts ng ilang Philippine Embassy staff na humihikayat sa mga overseas Filipino worker (OFW) na tumakas mula sa kanilang mga employer.

Tumanggi naman munang magbigay ng kanyang pahayag sa isyu si Ambassador Villa.

Una nang sinabi ng opisyal noong Martes na ipinatawag siya ng Kuwaiti government upang pagpaliwanagin tungkol sa ginagawang rescue mission ng embahada na walang koordinasyon sa Kuwaiti government.

Ayon naman sa inilabas na statement ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi nito na nakababahala ang hakbang na ito ng Kuwait.

Hindi rin anila ito kasang-ayon sa naging assurance ni Ambassador Musaed Saleh Ahmad Althwaikh sa pulong nila ni Secretary Alan Peter Cayetano sa noong Martes.

Ngayong araw ay hihingan umano ng kagawaran ng paliwanag si Ambassador Althwaikh tungkol sa isyu.

Muli namang tiniyak ng kagawaran na ang pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa abroad ang laging pangunahing prinsipyo ng Pilipinas sa pakikipag-relasyon sa ibang bansa, kabilang na ang Kuwait.

 

( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,