Ambassador ng Kuwait, dapat ding ideklarang persona non grata – OFW party-list

by Radyo La Verdad | April 27, 2018 (Friday) | 2916

Maghahain ng resolusyon sa Kamara si ACTS-OFW pary-list Rep. John Bertiz para ideklara ring persona non grata ang ambassador ng Kuwait sa Pilipinas na si Musaed Saleh Ahmad Althwaikh.

Dismayado si Bertiz sa pagpapaalis ng Kuwaiti government kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa kahit humingi na ng paumanhin ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa ginawang pag-rescue ng mga tauhan ng Embahada ng Pilipinas sa ilang OFW sa Kuwait.

Bumalik na sa kanilang bansa si Ambassador Althwaikh matapos i-recall ng kanilang pamahalaan. Pero ayon sa kongresista, hindi na dapat itong payagang bumalik sa Pilipinas.

Ayon naman kay DOLE Undersecretary Jacinto Paras, nakasalalay aniya sa Kamara ang desisyon kung idedeklarang nila sa estadong persona non grata ang ambassador ng Kuwait sa Pilipinas.

Kumpiyansa ang DOLE na mareresolba naman ang isyu ng Kuwait at Pilipinas kaugnay sa pag-rescue sa OFWs sa naturang Gulf state.

Sa gitna ng tensyon, nanawagan naman ang isang mambabatas sa pamahalaan na tutukan ang kapakanan ng mga Pilipino nasa Kuwait.

Dapat na ring paghandaan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang pagtulong sa mga OFW sakaling kailangan na nilang umuwi ng bansa.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,